Monday, May 31, 2010

High Chair Poetry Magazine Publishes 'Ang Moralidad ng Naratibo'

HIGH CHAIR POETRY JOURNAL published my essay on Ampatuan Massacre, Ang Moralidad ng Naratibo, last week. I was informed last December that the journal will provide a space for this essay. Editors of the journal decided to have a special issue on the Ampatuan Massacre and asked for contributions from poets here and abroad. Oh well I am not a poet (and a frustrated one and I will confess it) but I am so happy to see my work on this page since High Chair is being refereed by the country's foremost poets (mostly writing in English) and readers of poetry visit the site.

I don't want to explain what the essay is all about but I encourage you to visit High Chair's site and read the entire piece.

"Ang naganap na krimen sa Ampatuan, Maguindanao at ang pambublikong piyesta ng galit, suklam, at pagdadalamhati ay isang banal na proseso para sa sambayanang Filipino. Isa itong paglilinis ng sarili sa mga dugo sa ating mga kamay, dugo ng mga Moro na tumitingkad sa dilim. At ang prosesong ito, sa pinakamalalim na bahagi ng ating mga loob, na nakapanghihilakbot dahil kaya nating itanggi kahit sa ating mga sarili, ang katotohanan na naaliw tayo, na mas lalo nating nauunawaan ang ating mga pagkatao, na mas lalo nating nakikita ang ating bansa: ito ang naratibo ng mga Filipino sa mga Moro." - Ang Moralidad ng Naratibo.

Sunday, April 11, 2010

So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman

NAIS KO LANG ibahagi ang ilang larawan mula sa aking dula So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman (2009). Ipinalabas ang dula noong isang taon, July 2009, sa Cultural Center of the Philippines bilang entry ng 2009 Virgin Labfest. Ang dula ay idinirehe ni Rikki Benedicto, kasama ang Tanghalang Filipino, ang musika mula sa grupong Bailan at ni Bing Veloso, commentary nina Jal Salic Umngan at Jelanie Mangondato. Ang mga larawan ay mula sa aking mabuting kaibigan Alberto Bainto.

Ang dula ay isang ars poetica para sa isang Bangsa Moro freedom figther Aldul Rahman Macapaar at sa kanya ko rin inihahandog itong dula.

"Marami akong gustong sabihin noon ganito ganyan pero sadyag maikli ang oras. Heto ka na ngayon: hindi ka pa rin nagbago ilang taon na ang nagdaan. Bata ka pa rin. Mananatili kang ganyan sa akin, Abdul Rahman…dito, sa akin. Nababasa ko sa mga mata mo noon na nais mo akong tanungin kung nais ko bang sumama sa iyo pabalik ng Lanao o kung maghihintay ba ako sa iyong pagbabalik. Sabi mo kasi na ano ang pag-ibig, buhay at pagkatao kung walang maratabat (Iiyak) Sasama lang ako sa lalaking may maratabat, Abdul Rahman, iyon ang gusto kong isagot sa iyo noon…Sasama lang ako sa lalaking may maratabat. Siguro hanggang doon na lang ang lahat. Hanggang dito na lang. Napakalupit ng pag-ibig—kaya nitong wasakin ng isang salita; guguho ang lahat ng mga itinindig na mga alaala sa isang pagkakamali…kahit ng isang sagot…"
-Mula sa dula.













Maaari akong kontakin sa aking mga dula para humingi ng permiso. Magpadala lamang email. Hindi ko pinahihintulan ang alin man sa aking dula na ipalabas saan mang bahagi ng Lanao del Norte lalo na sa Iligan.












Thursday, February 4, 2010

Maikling Kuwentong "Mga" nasa Palanca Website Na.

NAKATATANGGAP AKO NG mga email sa mga estudiyante (maging sa aking unibersidad dito sa Cebu, San Carlos) na humihingi ng kopya ang aking kuwentong 'Mga' para sa kanilang klase. Nagpapasalamat ako sa Don Carlos Palanca Foundation at ipinaskil na nila ang aking akda sa kanilang website
Bisitahin na lang natin ang website ng Palanca at naroroon na ang aking akda bagaman medyo 'weird' ang pagkakalay-out ng kuwento sa kanilang pahina.
Muli, salamat sa pagbibigay ng panahon sa aking akda. Sa mga katanugan at mga ideya na nais na ibahagi masusulatan ako sa ogiebraga@yahoo.com
Sala'am!
Rogelio Braga
Elizabeth Pond St.,
Cebu City, Cebu.

Saturday, November 7, 2009

Varsitarian, Nostalgia at Publikasyon

ISA NA SIGURO sa pinaka-highlight ng nagdaan kong linggo ang karanasan sa isang estranghero mula sa the Varsitarian. Estranghero dahil hindi ko naman siya kilala at malamang na hindi niya rin ako kilala. Nais ko lang sanang magtanong kung sa paanong paraan ako magkapagpapasa ng kuwento para sa publikasyon na may makukuha akong sagot na email. Nagpasa na kasi ako noong isang taon ngunit ni wala akong nakuhang tugon.

Ibinigay ng estranghero ang email address (at mababasa mo sa nga sagot niya sa email na wala siyang gana sa buhay) na siyang email address na pinagpasahan ko noon. Maayos akong nagtanong kung matatanggap kaya ang aking email sa address na iyon. Mukhang lalo siyang nagalit sa dati nang galit at iritableng pakikipag-ugnayan ko. Sinubukan ko siyang tawagan ng long distance para mas maayos ko siyang makausap. Hindi niya sinasagot ang aking tawag. Inisip ko na lang, naku baka bad mood itong taong ito.

Nagtataka tuloy ako at ang aking mga ka-opisina sa paraan ng pagsagot niya sa mga text ko. Ipinababasa ko kasi sa mga ka-opisina ko ang mga text niya. Ang weird. Sabi ko na lang siguro akala niya estudiyante pa rin ako. Ang sabi naman ng isa kong ka-opisina kahit estudiyante ka dapat i-trato ka niya ng maayos dahil maayos kang nakikiusap sa kanya. Siguro malas lang talaga ako at bad trip siya noong mga oras na iyon.

Nakakatuwang isipin na may mga taong 'bitch' sa hindi nila kilala lalo na sa mga estrangherong maayos namang lumalapit sa kanila. Pamilyar ako sa kulturang 'don't talk to strangers' ng mga bansa sa Kanluran ngunit hindi ako pamilyar sa ganitong kalakaran ng pagbuo ng rela-relasyon sa aking lipunan. Hindi ito ugaling Filipino. Maging ang mga nakadaupang-palad ko na mga Talaandig na mga alagad ng Sining (sila'y mga pintor, musikero, at gumagawa sila ng mga istrumentong pangmusika) sa malayong Bukidnon ay marunong makisama sa mga estrangherong minsang nadaan sa kanilang komunidad.

Malas talaga.

Nais ko sana ng isang 'repeat' sa isang magandang karanasan ko noon noong nasa Santo Tomas pa ako at nagsusulat. Ang ending: biktima tuloy ako ang sarili kong nostalgia.

Hindi ka Tomasino kung hindi mo alam ang The Varsitarian o hindi mo man lamang nahawakan ang mga pahina nito noong nag-aaral ka pa sa Santo Tomas

Naghahanap ako ng paraan na mailathala ang aking mga bagong kuwento. Dahil wala naman akong kilala rito sa Cebu City kaya minarapat ko maghanap sa Maynila na maari kong ipalathala ang aking mga akda. Dumating sa Cebu City ang isang kaibigan na dating nakasama sa The Flame sa UST. Nagkaroon kami ng mahabang huntahan tungkol sa nakaraan namin sa Santo Tomas at ang pagsusulat sa loob ng Unibersidad noon. Hindi palagi na may nadadalaw sa akin dito sa Cebu na kilala ko sa Maynila. Sa pakikipag-usap ko sa kanya binalikan kong muli ang magagandang alaala ko sa Santo Tomas, sa the Flame at sa Varsitarian na noo'y labis ang pagsuporta sa mga manunulat sa loob ng Unibersidad.

Ngayon ko lang naisip na mali pala minsan ang maging nostalgic sa mga bagay-bagay. Puwede kang maging biktima ng sarili mong nostalgia. Dahil ang lahat ay nagbabago. Isa palang malaking pagkakamali ang balikan ang Varsitarian at mag-akalang ang mga tao roon sa ngayon ay katulad pa rin ng mga nakilala ko noon na sobrang malaki ang suporta sa akin, sa aming mga manunulat sa Unibersidad (at lalo na noon ang mga editor nila na may 'espesyal' na 'pagtrato' at 'pagkalinga' sa mga nagsusulat sa Filipino dahil mas nalalathala noon at nabibigyan ng pansin sa Unibersidad ang mga nagsusulat sa Ingles na nakikita ito marahil ng mga patnugot noon ng the Varsitarian - kaya malaki ang respeto ko sa kanila.)

Isa sa pinakamasayang bahagi sa buhay ng isang manunulat ay iyong makita mong nakalathala ang iyong likha at nababasa nang mas maraming tao. Mas nababasa ng mas nakararaming Tomasino ang the Varsitarian kaysa sa the Flame at ilang pang-kolehiyong lathalain.

Naalala ko ang Varsitarian sa aking kabataan. Naalala ko noong unang nalathala ang aking kuwento sa isang publikasyon na mas mababasa nang mas nakararaming mambabasa. Isa itong napakasayang karanasan. Nalalathala na noon ang ilang sa aking mga kuwento sa The Flame (dahil patnugot ako ng seksiyon sa Filipino) nang ilathala nila ang aking kuwento. Ngunit iba pa rin noon ang malathala ka sa the Varsitarian. Isa kasi itong institusyon, isa ito (o ito na siguro) ang pinakamatandang publikasyong pang-mag-aaral sa Pilipinas at halos lahat ng mga kilalang dyarista at manunulat sa bansang ito ay nailathala ang kanilang mga pangalan sa mga dahon ng the Varsitarian. Alam ko ito dahil sa mga oras noon na kailangan kong patayin ang paghihintay sa susunod kong klase sa Political Science (minsan ang klase ko alas-9 ng umaga at ang susunod ay alas- 7 na ng gabi) naglalagi ako sa Filipiniana section ng Main Library at binabalikan ko ang mga lumang isyu ng the Varsitarian: 'andun silang lahat: Jose Villa Panganiban, F. Sionil Jose, Cristina Pantoja-Hidalgo, J. Neil Garcia, V. E Carmelo Nadera at hindi matatapos ang listahan.

Pinangarap ko noon na malathala ang kahit man lang ang isa sa aking mga kuwento sa pahagayang ito. Bibit ang hardcopy, diskette, pangarap at ilang agam-agam ipinasa ko sa patnugot noon ng Filipino Section ang aking akda. Hindi ko kilala noon ang patnugot sa Filipino dahil mula siya ibang kolehiyo (Engineering 'ata.) Mayo iyon at bakasyon ng klase. Kaibigan ko noon ang kasalukuyang mga patnugot ng pahayagan dahil kilala ko sila sa mga activity ng Student Council sa Faculty of Arts and Letters. May bago akong kuwento noon. Maari ko namang ipalathala ang kuwento sa the Flame dahil papasok ako noong patnugot sa darating na Hunyo. Sabi ko noon, heto na heto na ang short story kong pang-Varsitarian.

Mula nang iabot ko ang aking akda sa isang patnugot halos buwan-buwan ko nang dinadalaw ang opisina ng the Varsitarian sa Main Building. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makausap ang patnugot noon sa Filipino dahil noong una siyang ipinakilala sa akin ng isang kaibigan na patnugot sa the Varsitarian biniro ako na 'O, bakit naba-blush ka?' Iniwasan ko na siya mula noon.
Naalala ko na mabigat noon ang kanilang pinto at lumalangitngit kapag binubuksan. Pagpasok mo sa kanilang opisina sasalubong sa iyo ang lamig mula sa aircon, sa pader kung saang hanggang doon lamang ang mga bisita ay mayroong isang salamin na halos maari ka nang lamunin pati ang iyong kaluluwa sa laki nito at lawak na sakop ang isang pader, sasalubong sa iyo ang mga ngiti at pagbati (minsan mapanuring mga tingin), may mga aligagang staff writer, at minsan naabutan ko pa ang isang bagong gising na pupungas-pungas pa. Tila bukas noon ang kanilang opisina 24 na oras sa pitong adlaw. Kahit alas-3 ng madaling araw may pa tao sa kanilang opisina. Tawagin mo nang lobbying ang presensiya ko sa opisina nila noon wala akong pakialam. Alam ko noon ang aking nais: ang aking kuwento sa pahina ng the Varsitarian. Nakikibalita ako noon kung lalabas na ba ang aking kuwento o hindi ba ito nakapasa sa patnugot ng seksiyon kaya't itinapon na lamang ito sa basurahan.

Doon ko rin nakilala, sa mga pagdalaw na iyon at pakikibalita kung mailalathala ba ang aking kuwento, ang ilan sa mga naging kaibigan ko na ngayong dating mga manunulat sa The Varsitarian. Masyadong mahaba ang kuwento mo, Braga, ang sabi sa akin ng isang kaibigang patnugot sa loob na lubha kong ikinalungkot, limitado lang mga pahina ng diyaryo para sa Filipino section pero o s'ya pray lang ha?

Makalipas ang ilang buwan hayun nagbunga aking mga dasal at pagdalaw-dalaw sa kanilang opisina, nailathala ang aking kuwento. Gaano man ka-limitado ang espasyo para sa Filipino nagawan nila ng paraan. Oktubre na yata ito nang mailathala. Ito na siguro ang isa sa pinakasamayang bahagi ng aking buhay sa aking kabataan dahil ito ang unang pagkakataon na nailathala ang aking kuwento sa isang pahayagan na mababasa nang mas nakakarami, nang mas nakakaraming Tomasino.

Tuwang-tuwa kami noon ng mga kaibigan at kaklase ko sa PolSci dahil naroon, hayun, nakatambad ang aking pangalan sa isang pahayagan na mas matanda pa sa aming mga magulang. At kahit hindi raw ako Literature at Journalism major nalalathala ang aking kuwento sa 'the V' (mayroon kasi akong kaibigan noon sa PolSci na taga-hanga ng makatang si Carlomar Daoana at lagi niyang kinukulit ang makata na gumawa ng tula para sa kanya). At naroon ang aking kuwento, andun kami ng mga kaklase sa Humanities Section ng Main Library at inilatag ang the Varsitarian sa malapad na parihabang mesa ng aklatan. 'Andun ang walang katapusang congratulations, kilig at hagikgikan na mababasa kaya ng crush namin na mga Philo majors ang kuwento at naalala kong nagtabi pa ng ilang sipi ng diyaryo ang aking kaibigan.

Naroon siya: Ang Bapor Tabo, ang kuwento na isinulat ko kung ano nga ba ang damdamin ng isang bata sa kauna-unahang pagkakataon na mauunawaan niya ang kahirapan ng buhay sa iskwater at kawalan ang hustisyang panlipunan. Na kung paano namatay ang kaibigan niyang tumanda na sa kahirapan ganoon din ang kasasapitan niya sa kanyang katandaan. Tanda-tanda ko na halos isa at kalahating pahina ang aking kuwento. Binabaybay ng mga daliri namin ng mga kaibigan ko sa PolSci ang bawat pangungusap habang binabasa nang malakas sa loon ng aklatan. Paborito naming magbasa at mag-aral sa bahaging ito ng aklatan dahil dito lang mataas ang kisame at ang kabuoan ng silid ay pinaliliguan ng sarikulay na liwanag, liwanag na mula sa labas na sinasala naman ng mga makukulay at dinesenyunhang salaming bintana sa pader na nagkakabit sa kisame. Ilang beses kong binasa aking kuwento bago matulog. Wala silang pinutol, walang idinagdag. Buong-buo kung paano ko ito ipinasa sa kanila. Doon ko rin unang naramdaman itong tuwa ng isang manunulat na malathala na alam mong mas marami ang makababasa ng iyong akda.

Kumpleto na ang buhay ko bilang isang manunulat dahil noong aking kabataan may akda akong nalathala sa the Varsitarian. Hanggang ngayon struggle sa mga katulad kong nagsusulat sa sariling wika ang mailathala, minsan nasusungitan ka pa at hindi makatatanggap ng maayos na pagtrato.

Kahit hindi naging maayos ang naging karanasahan ko sa Varsitarian sa kasalukuyan lilingunin ko pa rin nang may paggalang ang institusyon, ang mga tao noon (nasaan na kaya sila?) na hindi ko kalilimutang sumuporta sa akin at kailanman hindi nagbitiw ng mga salitang wawasak sa aking pangarap bilang isang batang manunulat sa Santo Tomas.
At ngayon binabalikan ko ang karanasan sa isang estranghero sa Varsitarian noong isang linggo, nais kong tingnan ito sa isang positibong perspektibo: kahit ngayon pala, nais pa rin akong suportahan ng isang institusyon na minsang nagpaligaya sa aking kabataan bilang manunulat. Parang pinangaralan ako ng the Varsitarian, na tapos na ang panahon mo sa amin, nagpasalamat na tayo sa isa't isa para sa kagandahan ng Panitikan. At doon na iyon natapos at huwag nang balikan. Wala ka nang ibang patutunguhan kundi ang papasulong at huwag ka nang babalik dahil sadyang malawak ang daigdig para sa iyong pananakop.

Hindi naman pala mahirap ang magsabi ng isang kay gandang pasasalamat. Alhamdullilah.

Saturday, September 12, 2009

Perspektibo

Lahat tayo, sa mga Moro o sa Filipino man, ay naghahanap ng isang lipunan at masang kritikal. Isang lipunan na pinatatakbo ng mga ideya, damdamin, at pananampalataya. Isang lipunan na bukas sa sanlibo't sandaang mga pananaw na kung hindi man umaayon ay nagtutunggalian sa isa't isa. Lahat tayo naghahanap ng papasulong na kabihasnan dahil lahat tayo may perspektibo at walang maliw tayong naniniwala sa sangkatauhan.

May bigat sa akin ang halaga ng mga perspektibo dahil naniniwala ako sa sangkatauhan at mahalaga ang perspektibo sa aking pagsusulat at sa aking Sining. Naniniwala rin ako sa papasulong na kabihasnan at sa isang kritikal na lipunan at masa. Palagi ko ngang sinasabi na ang mismong pagpapalabas ng mga dula sa mga tanghalan ay isang payak na imbitasyon sa mga manonood sa isang bagong perspektibo. Hindi ito dula kung wala itong bagong perspektibo na ihahain sa mga manonood. Ang mga dula, kuwento, at alin mang uri ng masining na pagpapahayag, maging ito man ay dayunday performance sa pinakaliblib na pook na maiisip mo, ay mga uri ng imbitasyon sa mga perspektibo na nais nang pakawalan sa daigdig.

Kaya mabigat ang responsibilidad na pinapasan ng isang mandudula (o ng isang manunulat) sa kanyang lipunan at sa kanyang kabihasnan. Ito rin ang responsibilidad na ipinapapasan ng epikong Darangen sa kanyang mga mang-aawit, sa mga alagad ng Sining, sa mga manunulat at kuwentista ng ating bayan, at sa atin mismo: ikuwento natin nang walang patid ang talambuhay ng ating mga ninuno at ng ating mga bayan na may pagpapahalaga sa maratabat ng ating mga mahal sa buhay at sa atin mismong maratabat at sarili, na ang bayan ay ang kuwento at ang kuwento ay ang bayan kaya't hinihikayat tayong huwag isuko hindi lamang ang ating mga bayan kundi ang ating mga kuwento, na ang Kagandahan ay ang kalayaan ng pag-iisip, ng mga salita ngunit kaakibat nito dapat ang pagpapahalaga sa sarili at sa kapakanan ng komunidad at nakararami.

Kaya sa mga oras na dinadalaw ako ng takot sa aking pagsusulat at nitong uri ng agam-agam 'sa mga oras ng di matiyak na misteryo ng Sining' binabalikan ko ang Darangen at ang mga pundasyon kung saan nakatayo ang kanyang mga kuwento: malayang kamalayan at pagpapahayag, kritikal na lipunan, Kagandahan ng Buhay at ang kalayaan.

Ang Darangen ay isang matikas na torogan na nakatayo sa gilid ng daan na aking tinatahak na laging nagpapaalala sa akin na ang mga perspektibo na nagsasabi ng Katotohanan at Kagandahan ay nanatiling may saysay kahit sa loob ng ilang daang taon. Hindi ito papanaw dahil wala namang tutunguhin ang katauhan at kabihasnan kundi papasulong.

Kasing laki ng buhay ang mga perspektibong dala-dala ng Darangen dahil ang mismong epiko ay isa nang perspektibo, isa nang kabihasnan.

***

Sandali -- nais ko lamang liwanagin na hindi ako Moro: ako ay isang Filipino. Lagi ko itong inilalahad sa tuwing may magtatanong sa akin tungkol sa napanood nilang dula. Isa akong Filipino na nangungusap ng Bangsa Moro. Malinaw sa akin ito at hindi ako magbabalat-kayo. Minsan sa ganitong perspektibo nakakakuha ako ng hindi kaaya-ayang reaksiyon - sa Moro man o kapwa Filipino na nasa aking harapan. 'Bakit iba ba ang Moro sa Filipino? Hindi ba sila ang 'Filipino Muslim?''

Mabuti na lamang mahaba ang aking pasensiya sa mga ganitong sitwasyon, dahil maging ako man noong una kong narinig na 'iba ang Moro sa Filipino' sa anibersaryo ng Jabidah Massacre sa Corregidor, Bataan ilang taon na ang nakararaan ay hindi rin naging kumportable. Isa itong perspektibo na inilatag sa aking harapan at nagtulak sa aking lakbayin papaloob ang aking sarili. Nagkaroon din ako ng maraming mga tanong na minsan nga, sa pinakamalalim na bahagi ng aking pagkatao ay kinatatakutan kong malaman ang sagot.

'Iba ang Moro sa Filipino' - napakagandang perspektibo dahil winawasak nito ang lahat-lahat na itinuro sa akin sa paaralan, ang padron ng pag-iisip sa kung paano ko titimbangin at huhusgahan ang aking daigdig, padron na nilikha ng kolektibang kamalayan sa aking lipunan, ng aking kasaysayan. Hindi ito mahirap tanggapin dahil sa bansang ito na pinatatakbo ng hindi maturol-turol na mga multo at kasinungalingan sa aking kasaysayan, mas mabuti nang laging walang tatanggapin kaysa may isang palaging panghahawakang katotohanan.

Binalikan ko ang kasaysayan at binuksan ko aking mga mga tenga sa kuwento ng mga Moro na masasalubong sa daan, makakasama sa opisina, kahuntahan sa mahahabang biyahe sa bus at mga bagong naging kaibigan. May 'Moro' na pala bago nabuo 'Filipino'. May mga kuwento na hanggang ngayon pilit pa ring itinatago sa daigdig dahil sadyang mahirap tanggapin halimbawa ang Tacub Massacre sa Kauswagan, Lanao del Norte. Na puwede ka palang mamuhay sa dikriminasyon at marginalisasyon habang tahimik na nakamata ang daigdig sa iyong sitwasyon tulad ng mga Meranao sa Lanao del Norte. Na nabubuhay pala ako sa isang lipunan na tila national pastime (kasunod ng boksing, pulitika, showbiz) na ng sambayanan ang pumatay ng Muslim. Na maraming perspektibo ang sinusupil at patuloy na pinatatahimik dahil mahirap silang tanggapin.

Marami palang perspektibo na hindi nakarating sa akin. Masyado sigurong malayo ang Maynila sa Mindanao o di kaya'y masyadong matataas ang bakod ng mga unibersidad na aking pinasukan. Ngunit tulad ng responsibilidad na nais na ipataw ng Darangen ikuwento mo ng walang patid ang talambuhay ng iyong mga ninuno at bayan, ang kuwento ay ang bayan at ang bayan ay ang kuwento kaya dalawang silang bibitbitin mo sa gitna ng labanan. Wala kang iiwanang isa.

***

Hindi lang minsan na kung nagugulat ako sa kasalukuyang ginagawa ng mga institusyon ng midya na pag-aari ng mayayamang pamilya, mga principalia, sa salita ni Dante Simbulan, kung paano nila tinuturuan ang taumbayan na kilalanin ang sarili sa punto-de-bista ng Nasyunalismong Filipino. Bayan ni Juan ('Juan' bilang katunog ng 'one' o 'iisa') ang bandera ng isang istasyon ng tv. Mga artista at showbiz personalities ang nagsasalita sa taumbayan kung ano ang kanilang nasyunalismo. Paano si Akbar, Norayda, Saliha sa Bayan ni Juan?

Sa komersiyal na ito na pagbibigay depinisyon sa Nasyunalismo maraming pespektibo ang nailalagay sa gilid. Sila pa rin ang kumikita. Hindi pa rin nabibigyan ng sagot ang ilan sa pinakamahahalagang tanong sa bayan: Sa Nasyunalismong ito na ilang dekada nang niyayakap ng mga Filipino, sino mas nakinabang at patuloy na nakikibang?

Kaya naghahanap ako at sa aking mga akda sa kasalukuyan ng isang perspektibo kung paano ko titimbangin ang Nasyunalismong Filipino. At maari, sa ngayon, siguro mas mabuting tingnan ang Nasyunalismong Filipino sa punto-de-bista ng Bangsa Moro. Marami pa akong dapat na malaman at mahalaga sa kasalukuyan ay nakikita ko ang halaga nito sa aking buhay at aking mga gawain. Isang perspektibo para sa akin ang 'Bangsa Moro.' Para sa akin hindi lang ito pakikipagtunggali ng mga Moro sa isang politikal sa pagsasarili - mahalaga ito sa akin dahil isa itong pakikipagtunggali upang makamit ang kalayaan ng tao. Human freedom. Ang kapayapaan. 'Walang kapayapaan kasi walang kalayaan.' Kaya mahalaga ito sa akin bilang isang Filipino. Kaya mahalaga ito sa akin bilang isang alagad ng Sining. Bilang isang tao na niniwala sa perspektibo at sangkatauhan.

Monday, August 31, 2009

"Mga", Maynila, Maikling Kuwento

"DARATING ANG PAGKAKATAON at makahahanap din ng trabaho si Lipoy. Ito ang ibinaon niyang paniniwala nang umalis siya sa bahay noong Lunes na iyon. Hindi naman nag-iisa si Lipoy sa ganoong uri ng pagpapatakbo ng isang adlaw; marami sa lungsod na sinisimulan ang adlaw nila sa pananampalataya. Ang makahanap siya ng trabaho ang paniniwala rin ni Lita, ang kanyang maybahay, noong Lunes na iyon. Tiyak na may pagkakataon na makahahanap din ng trabaho ang kanyang bana, sa konstruksiyon halimbawa o sa isang pribadong bahay o sa kahit na sinong masasalubong ni Lipoy sa daan at may ipagagawang anumang sira sa kanilang mga buhay at ari-arian. Ganyan naman talaga ang lungsod na pinaglagakan kay Lipoy: nasa mga dakilang kamay ng pagkakataon ang lahat. " - Mula sa aking kuwentong MGA (Cagayan de Oro City, 2007.)

Nandito ako ngayon sa Maynila para sa napakaraming mga kadahilanan - ang dumalo sa aming grupo NaratiboWriters Bloc, Inc (mga mandudula, makapanood ng dula ng PETA (na hindi na nagawa), makipagkita sa mga kaibigan, sa aking pamilya, sa isang blogger, at dumalo sa awarding Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (kung saan bibigyan ng Foundation ng parangal ang aking kuwentong 'Mga'). (mga kuwentista), sa


Nagdadalawang isip nga akong bumalik ng Maynila. Nakakapagod at maraming maiiwanang trabaho sa opisina sa Cebu at ayaw ko sanang maglakad-lakad dahil buwan ng aming Ramadan. Ayaw ko mapagod at nais ko lang sanang manatili sa Cebu at magmuni-muni. Pero sige nagpunta pa rin ako. Nabili na ang tiket, sayang ang Palanca, at kailangan ko na ring makita ang mga kasama at kaibigan sa Naratibo.


Ewan ko ba kung bakit nararamdaman ko ito sa Maynila. Parang hindi na ako kumportable sa siyudad. Mas nais ko nang manatili sa Cebu. Sa Cebu kasi nakakasulat ako, nakakabasa, walang masyadong mabigat na mga samahan na tatahiin, walang mabibigat na isyung uukilkilin. Malapit pa siya sa Mindanao. Nasa sentro pa siya ng Visayas, ng Pilipinas.

***

Iba na sa akin ang Maynila, ang magtungo sa siyudad na ito. Hindi ko na yata kaya ang mabigat na pasanin ng lugar na ito - dahil nasa sentro ka at nariyan ang kapangyarihan isinumpa kang magdikta, isinumpa kang magsalita para sa iba, nasa iyo ang kapangyarihan. Ang Pilipinas ay ang Maynila. Malungkot ako.


Siguro dahil kahit na anong gawin ko nandito pa rin ako: isang tawid ng dagat sa Mindanao, isang Bisaya at walang ibang lugar na lulugaran kundi ang mga isla sa Bisayas na sinilangan ng aking mga magulang. Hindi ko alam. Ang tanging Maynila na nanatili sa akin ay ang pagtakas, ang aking wika, at ang pananatili ng ganyang kapangyarihan na magpataw at magdikta. Ano ba ang maging Filipino? Hindi ako siguro ang tamang tao na magtatanong nito. Dahil galing ako ng Maynila. At sa pa rin akong Manileño. Hindi ko marahil mauunawaan ang sagot sa tanong.

***

Minsan tinanong ako sa isang forum pagkatapos ng palabas ng aking dula sa Cultural Center of the Philippines. Isa sa mga miyembro ng manonood ang nagtapon ng tanong. "Naniniwala ba kayo na dapat may isang Bangsa Moro state?" Sana nasagot ko siya nang maayos sa harap ng maraming tao. "I believe in the Bangsa Moro struggle. For me it's not just a struggle for political independence and self-determination. Fundamentally, it is about human freedom - that's why the Bangsa Moro struggle matters to me as a Filipino and it will always matter to me because I am an artist." Hindi lahat katulad ng Maynila - hindi lahat naniniwala na ilalagay sa dakilang kamay ng pagkakataon ang lahat. Hindi nga siguro ako ang pinakatamang tao na sasagot at magtatanong ng Ano nga ba ang maging Filipino.

***

Kung ang Cebuano ang wika na ginagamit ng mas maraming Filipino - bakit hindi ako tinuruan ng salitang Cebuano? Maraming bagay ang hindi itinuro sa akin ng aking eskuwelahan.

***

Humimpil ang bus nang marating nito ang harap ng SM Megamall. Tinanaw ni Edgar ang naglalakigang billboards na nakadikit sa matataas at malalapad na gusali ng mall. “Kay gandang mga nilalang…kay gandang pagmasdan…” bulong niya sa sarili habang pinagmamasdan ang mga modelo na inimprenta sa mukha ng naglalakihang mga tarpaulin.


“Ano ba ang kagandahan?” bulalas ng mama na nasa tabi niya. May katandaan na ang mama at nakasuot siya ng maragang de-kuwelyong polo at may hawak pang maleta na pang-opisina.

Hindi nakapagsalita si Edgar ngunit tila nabasa ng mama ang pagtatanong sa kanyang mukha.


“Ang sabi mo kasi ‘Kay gandang mga nilalang at kay gandang pagmasdan’ ang mga nasa larawan na nakapaskil sa Megamall. Ngayon tinatanong kita, ano nga ba ang kagandahan?”


Nagimbal si Edgar sa mga salitang binitiwan ng mama.


“Teka, wala akong sinasabing ganoon!”


“Hindi mo nga sinasabi pero iniisip mo.”


“Nababasa mo ang isip ko?” Nais na sanang tumayo ni Edgar at lumipat ng ibang upuan. Binalot ng takot ang katawan niya. Sa paanong paraang nalalaman ng mamang ito ang kanyang iniisip.


“Huwag kang mabahala, Edgar. Hindi ako masamang tao. Isa lang akong makata.”


“Kung hindi ka masama paanong…paanong wala na akong maitatago sa iyo?”


“Wala ka talagang maitatago sa akin. At dahil doon hindi na ako masama. Kung masama ako may mga bagay akong hindi nalalaman sa iyo. Halimbawa ang iyong ina, ang iyong ama, at ang iyong mga naging kapatid maging ang iyong asawa.”


Napayukod si Edgar. Tumatagaktak na ang pawis niya sa sentido at tila nagiging maalinsangan na ang panahon sa lungsod na iyon na pinaglakagan sa kanya.


“Ikaw ang masama, Edgar. Binibigyan mo ng mga motibo ang mga tao sa pag-iisip nila tungkol sa iyo dahil hindi mo naman binubuksan ang sarili mo sa kanila. Kaninang umaga may ‘nasilip’ ka sa daigdig…sa kung saan ka nagtatrabaho tama ba ako?”


“Nasilip? Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo. Ewan.”


“Nakita mo ang kahubdan ng buhay. May isang nagpakita sa iyo ng kanyang sarili. Iyon ay isang katapangan.” - mula sa aking kuwentong Mga (Cagayan de Oro City, 2007).

***

Naalala ko kung bakit sinulat ko ang kuwentong "Mga." Noong 2007 - paglabas ko Lanao del Norte. Madilim na sa Bulua Bus station. Wala pa ako sa sarili dahil sa isang pangyayaring naganap sa dati kong trabaho. May nakilala akong estranghero. Bisaya. Nagkaroon kami ng maikling huntahan. Tinanong niya ako kung ano ba ang lugar na pinanggalingan ko, ang Maynila, dahil bakit daw ako nasa Mindanao at paikot-ikot sa kung saan- saan. Hindi ko siya masagot nang maayos dahil noon, sa kanyang harapan, nananatili sa akin ang galit. "Hinding hindi ko lilingunin nang may paggalang ang lugar na iyan - ang Lanao del Norte." Ang Cagayan de Oro raw ay ang City of Golden Friendships. Bakit?

***

Mananatili akong tao. Hindi ako mawawala sa mga siyudad na aking dadalawin maging sa siyudad na aking sinilangan at sa siyudad na ibabaon ang aking katawan sa aking kamatayan. Dahil narito ako at nakaharap sa aking sarili - ang mga bayang ito ang aking sarili. Ito ako. Ito ang aking bayan.





Tuesday, June 23, 2009

Writing and Discipline (Random Thoughts on Theatre and Writing)

NITONG MGA NAGDAANG linggo hindi ko na naman naupuan ang pagsusulat ng aking nobela. Enero pa lamang naka-set na ang target dates para sa gawaing ito. Maayos na kung kailan ang pagri-riserts, kailan isusulat ang isang kabanata, kailan magpupunta sa ganito-ganyang lugar para maghukay ng mga tala at detalye. Pinag-iipunan na ang printer na bibilhin. Nais kong maging maayos ang proseso ng lahat. Ngunit sa mga nagdaang buwan, maraming mga pangyayari at nangyayari pa rin hanggang sa kasalukuyan at napipilitan akong lumayo sa aking mesa at magtungo sa kung saan at ilaan ang oras sa kung anu-anong mga gawain.

Nagtungo ako sa Cebu, bukod sa trabaho at pagbabalik sa aking pagka-Bisaya, upang magsulat ng nobela at matapos ang isang koleksiyon ng mga maiikling kuwento na naisulat ko sa nagdaang mga taon. Malayo sa Maynila, sa mga kaibigan at sa mga gawain sa teatro. Pero galit ako sa aking sarili ngayon. Hindi ko nasusunod ang aking mga adhikain, ang mga plano, ang mga iskedyul. Maraming oras ang nasasayang at maraming mga pagkakataon at oportunidad ang naiwawaglit. Galit ako sa aking sarili.

Nitong mga nagdaang linggo aligaga ako sa pagpapalalabas ang aking mga dula sa Virgin Labfest. Masaya naman akong may dalawang dula akong ipalalabas sa Virgin Labfest at nagpapasalamat sa lahat ng suporta ng aking mga kasama sa Writers Bloc lalo na kina Rody Vera, Dennis Teodosio, Job Pagsibigan, at sa mga kaibigan ko sa PETA Writers Pool: Glen Mas, Sir Manny Pambid, kay Bing Veloso, Trixie Dauz, Tito George Kabistrante, at sa aming puno na si Tim Dacanay. Iba humila (o mang-agaw) ng oras at lakas ng manunulat ang pagpupursige sa teatro. Lalo na kung hindi ka lang mandudula at nagsusulat ka rin ng mga kuwento.

Ngayon nakikita ko na ang malaking kaibihan ng mga daigdig na aking ginagalawan. Iba ang buhay sa teatro bilang isang mandudula at iba ang buhay na tatahakin sa pagnanais na sana maibalik ko na ang momentum at disiplina sa pagsusulat ko ng fiction. Mahalaga sila sa akin. Ngunit sa ngayon ang nakikita kong pinakatamang perspektibo ay tingnan ang dalawang daigdig na ito na isang challenge na ma-balance ko ang lahat at maipanganak sa daigdig ang dapat na maipanganak na kuwento.

Seryosong gawain sa akin ang pagsusulat. Ito kasi ang itinuro sa akin ng mga kaibigan at kasama sa paglalakbay sa Sining na ito; sa mga kasama ko sa Writers Bloc, sa aking mga kaibigang manunulat at mandudula, sa mga aklat na nabasa at patuloy na binabasa, sa mga pangyayari sa aking lipunan at sa aking kapwa-tao at ang kanilang mga hamon sa mga manunulat. Minsan nalulungkot na lang ako sa aking pagmumuni tulad ngayon kung ginagawa ko nga ba ang dapat na gawin. Sa palagay ko hindi, at hindi pa sapat.

Minsan mas gusto ko ang pagsusulat ng fiction. Hindi ko kailangang makihalubilo sa mga tao, sa ibang tao, sa mga direktor, artista, audience tulad ng karanasan sa pagsusulat ng dula. Iba talaga ang daigdig ng teatro. Mahirap ang makisama at minsan nahihirapan akong makisama. Halimbawa nakasanayan ko na kasi sa Writers Bloc na kailangan marunong kang makipagbalitaktakan, alam mo kung paano mo ipaliliwanag ang iyong dula, ang iyong proseso, ang pulitika at perspektibo ng iyong mga gawain. Naka-abang palagi ang mga kasamang mandudula. Kailangan handa kang ipabasa ang dula mo kina Rody Vera, Nick Pichay, at ilan sa mga mandudula ng Writers Bloc. Ganoon din sa Writers Pool, handa ka sa mga puna at pamumuna. Sa mga praktikal na tanong ni J. Dennis Teodosio na hihilahin ka sa lupa, sa karanasan ng tao, mula sa alapaap ng mga ideya at idelohiya.

Ganito ang kinamulatan kong daigdig ng mga mandudula. Kaya minsan nahihirapan akong makipag-usap sa mga direktor na tila walang masabi sa aking dula, hindi makapagsimula ng balitaktakan sa akin sa dula, sa tearo, sa pulitika at sa mga isyung nagaganap sa daigdig. Minsan dito pa nagsisimula na nawawala ang pagtitiwala ko sa kung nasa tamang kamay ba ang aking dula. Ito ang trahedya. Sa tao, sa kaibigan, lagi kong hinahanap ang taong may opinyon, may perspektibo. Mahalaga kasi sa akin ang perspektibo at opinyon. Madali akong mahulog sa taong may interesanteng opinyon at perspektibo lalo na kung ito'y may pinanggagalingang karanasan. Ganito kasi ang aking mga kaibigan, ang mga kasamang mandudula na hinahangaan at sinasamahan.

Kaya minsan mabuti pa ang pagsusulat ng kuwento, ng nobela at ng maiikling kuwento. Masaya bagaman magastos at nakakapagod ang magriserts, ang maupo maghanapon para sa isang kabanata, ang mag-isip sa mga tauhan at magbasa ng mga aklat. Ang lungkot ng pag-iisa ngunit hindi naman nakababagot sa mesa. Wala kang ibang kalaban kundi ang sarili mo, ang wika, ang pag-iisa, ang pisikal at emosyonal na pagod, ang oras.

Nais kong maging isang nobelista, maging isang manunulat at makapaglimbag ng mga aklat. Ganito ko nakikita ang sarili ko ilang taon mula ngayon. Ngunit kailangan ko ng focus, marahil. O ng disiplina. Hindi ko alam. Naalala ko ang sabi sa akin noon ng kaibigang manunulat na si Edgar Calabia Samar na nang matapos niya ang kayang nobela saka niya naisip na wala pala siyang ibang nagawa at naisulat sa panahon na sinusulat niya ang Walong Diwata ng Pagkahulog. Isa rin kasing makata si Samar.

Sa ngayon, hinihintay ko na lang na matapos ang Virgin Labfest at makabalik muli ako sa aking mesa at magpatuloy sa aking gawain. Insha Allah matapos ang lahat bago ang Agosto (hindi ako magsusulat ng kahit na ano sa panahon ng aming Ramadan bilang panata.) Nais ko kasing gugulin ang huling dalawang buwan ng taon sa pagre-rebisa. Ngunit hindi na yata ito maisasakatuparan. Pangako ko kay Sir Manny Pambid na may nobela na ako sa Oktubre pagbalik sa Maynila.

Anupaman, masaya pa rin ako sa daigdig ng pagiging isang manunulat - obhetibo mang puna o may halong nostalgiya. Ito pa rin ang aking nais, sa buhay, sa sarili, at sa nais na tunguhin sa susunod pang mga panahon. Mabuhay ang malayang pag-iisip. Alhamdullilah.